Hindi nauwi sa wala ang mga sakripisyo ni Maricris Colipano para makamit ang kanyang pangarap.
Ang 26-year-old na si Maricris, na mula sa Brgy. Upper Natimao-an, Carmen, Cebu, ay Top 1 sa ginanap na March 2022 Licensure Examination for Teachers (LET) elementary level.
Nakakuha siya ng 92.40 percent rating.
Produkto siya ng Cebu Technological University (CTU) Carmen Campus.

Ang kuwento ng buhay ni Maricris ay puno ng makukulay na karanasan na mapaghuhugutan ng inspirasyon ng mga kabataan.
Ang kanyang ama ay isang magsasaka. Ang kanyang ina naman ay Barangay Health Worker (BHW).
Nang maka-graduate ng high school si Maricris, hindi siya agad nakapagkolehiyo dahil sa hirap ng buhay.
Namasukan muna siya bilang yaya.
Nang tumuntong siya sa edad na 18, nagtrabaho siya sa isang kumpanya sa Danao City.
Bukod sa pagtulong sa gastusin ng kanyang mga magulang, nag-ipon din siya para sa kanyang pag-aaral.
Noong 2016, nakapag-enroll na si Maricris sa kolehiyo. Nineteen years old na siya noon.
Nagtapos siya bilang cum laude noong May 2019.
HINDI MAKAPANIWALANG TOP 1
Nag-enroll si Maricris sa isang review center bilang paghahanda sa LET, pero nakakapag-participate lang umano siya sa online coaching at nagbabasa ng kanyang review materials.
Lagi rin siyang nanonood sa YouTube ng online coaching.

Sa panayam kay Maricris ng Cebu Daily News noong May 2, ikinuwento niya na nalaman lang niyang Top 1 siya dahil sa kanyang nakababatang kapatid na babae.
Lumabas ang resulta ng exam noong April 29, 2022, araw ng Biyernes.
Aniya, “Ako gud dili man gud ko hilig anang Facebook ba, so wala gyud ko kabaw nga niadtong Biyernes ang resulta. Nag-online man akong manghod nya gi-chattan man siya sa akong classmate.”
Roughly translated, ang kuwento ni Maricris: “Hindi ako ma-Facebook na tao kaya hindi ko alam na lumabas na ang resulta noong Biyernes. Nag-online ang sister ko at nalaman namin ang resulta dahil nag-message sa kanya ang isang classmate ko.”
Hindi umano makapaniwala si Maricris dahil ang akala niya ay sa May 9 pa lalabas ang resulta.
Napatunayan niyang totoo ngang topnotcher siya nang i-post ng kanyang kapatid ang resulta mula sa website ng Professional Regulation Commission (PRC) sa social media account nito.
“Pwerte nakong lipaya,” ani Maricris na ang ibig sabihin ay tuwang-tuwa siya.
VOLUNTEER TEACHER MUNA HABANG HINDI PA EMPLOYED
Aminado si Maricris na may job offers na siyang natanggap mula sa kanyang school, at sa review center kung saan siya nag-enroll.
Nangako rin ang kanyang alma mater na pagkakalooban siya ng monetary reward dahil sa kanyang pagiging topnotcher.
Ngayong isa na siyang ganap na guro, ang goal ni Maricris ay magturo sa public school.
At habang hindi pa siya employed, magbo-volunteer teacher muna siya.
Ani Maricris, “Ako sad gyung pangandoy kung makapasar ko nga mag-volunteer teacher bitaw. Kay nakasuway man ko ug ingon ana sir pag-fourth year nako ba.
“Nindot baya pod sa feeling nga makatabang sa mga bata ba nga dili kaayo ganahan mo-eskwela.”
Ang ibig niyang sabihin: “Ang gusto ko pag nakapasa ako ay maging isang volunteer teacher. Kasi nagawa ko iyan noong fourth year ko sa school.
“Masarap po sa pakiramdam na makatulong sa mga bata na walang interes pumasok sa eskuwela.”