Si Melvin Osabel Buracho, 29, ay isang lisensiyadong guro sa isang university sa Cebu.
Siya ang kauna-unahan sa kanilang pamilya na nakapagtapos.
Hindi naging madali ang landas ni Melvin na tuparin ang pangarap niyang maging licensed teacher, lalo pa’t ang kanyang mga magulang ay hindi naniniwala sa edukasyon.
Paniniwala nila, ang humawak ng itak at magtrabaho sa bukid ang magdadala ng pagkain sa kanilang hapag-kainan, hindi ang diploma.
Dating tapasero o tagatabas ng tubo o sugar cane si Melvin sa bukid.
FAMILY OF LABORERS
Sa murang edad na eight years old, nagtatabas na sa tubuhan si Melvin, na taga-Caputatan Sur, Medellin, Cebu.
Lahad niya sa interview ni Ces Drilon sa Basta Promdi Lodi sa DZXL noong October 22, 2021, “Nag-aabono din po kami. Nagtatanim, ‘tapos kami din po yung nagha-harvest.”
Limang magkakapatid sina Melvin. Siya ang pangatlo.
Aniya, ang pinakamataas na educational attainment sa kanilang pamilya ay elementary graduate.
“We are a family of laborers. None of my family members believe in education,” ani Melvin sa isang Facebook post noong January 24, 2021.
Noong nag-aaral siya sa elementarya, hinahati niya ang oras sa pagiging tapasero at pag-aaral.
Ang pinakamahirap ay ang pagsuway sa tatay niya na nais siyang tumigil sa pag-aaral.
"Walay kwarta sa skwelahan,” ito raw ang linya ng kanyang ama.
Tumigil sa pag-aaral si Melvin nang mag-Grade IV siya.
Isang araw, noong siya ay 11 anyos, habang nagtatrabaho sa bukid, tinanong ni Melvin ang sarili kung hanggang sa bukid na lang ang maabot niya sa buhay.
Nagdesisyon siyang gusto niyang may marating sa buhay.
Kaya noong 2005, sinunggaban niya ang pagkakataon nang alukin siya ng isang guro na magtrabaho sa restaurant nito at mag-aral siya.
Nakatapos siya ng Grade VI with honors.
Naghanap si Melvin ng scholarship para makapagpatuloy ng high school. Consistent honor student siya.
Noong March 19, 2010, noong third year high school siya, tinanong niya ang ama kung maaari siyang sabitan ng medalye sa entablado.
Tumanggi ang kanyang ama.
Hindi sukat akalain ni Melvin na kinabukasan, papanaw ang ama. Dinibdib ito ni Melvin.
Ipinagpatuloy ni Melvin ang pag-aaral. At nag-graduate sa high school, pero sa kauna-unahang pagkakataon sa high school, hindi siya honor student.
FINDING THE DRIVE TO GO BACK TO SCHOOL
Nagdesisyon na siyang huwag tumuntong ng kolehiyo dahil walang pampa-aral.
Nagtrabaho siya sa mga mall sa Cebu sa mga sumunod na taon. Pinag-aral niya sa high school ang sumunod sa kanya.
“No plans for my life until one day I was awakened when my batch mates graduated in college.
"I was envious. I felt little about myself,” aniya sa post.
“In September 2015, I resigned from work and went home to continue my love for education.”
Nag-apply siya ng scholarship sa kanilang local government unit at pinalad siya.
Nag-aral siya sa Cebu Normal University Medellin Campus.
“I took up the program Bachelor of Elementary Education, major in General Education,” ani Melvin.
Bagamat hindi siya lubusang nauunawaan ng ina sa hangad nitong makapagtapos, sinuportahan pa rin niya si Melvin.
“I graduated last May 23, 2019 as cum laude,” ani Melvin.

(Melvin graduates cum laude in 2019)
Pinursige niya ang pagre-review para sa Licensure Examination for Teachers o LET, habang isinasabay ang pagtuturo.
December 2, 2019, lumabas ang result ng board exam. Nakapasa si Melvin.
“I was so happy that time. Walay kabutangan. THE FIRST EVER PROFESSIONAL IN THE FAMILY IS NOW LICENSED,” aniya.
Pero wala sa kanyang pamilya ang bumati sa kanya.
Naisugod pa siya sa ospital noon dahil nahirapan siyang huminga.
Himutok ni Melvin, “Hindi ko na po kinaya ang pakiramdam na para bang nag-iisa ka sa laban mo sa buhay.”
Nahimasmasan siya nang kausapin siya ng kanyang ina.
Ani Melvin (published as is): “Hindi man niya niintindihan ang mga laban ko sa buhay e proud daw talaga sya mga narating ko sa buhay.”
Nanghinayang din si Melvin nang malaman niyang ang kanyang general average sa LET ay 89.60 percent.
Kinapos siya ng .2 percent para makuha ang 89.80 percent at makapasok sa Top 10.
“Sayang talaga, kaya ikaw? Never underestimate the value of one item,” post niya.
Sa kabila nito, masaya pa rin si Melvin.
Payo niya sa mga gaya niyang nangangarap, “If you want to succeed in anything, treat success as badly as you want to breathe. “
Giit niya: "EDUKASYON ANG SOLUSYON"
Bahagi ng pagtatapos ng kanyang post. “This is the story of how a Tapasero turned Maestro.”
"NEVER CHOOSE TO GIVE UP."
Sa interview ni Ces Drilon, may words of encouragement si Melvin sa mga nahihirapan sa kanilang pag-aaral.
Aniya, “Tandaan niyo po ang edukasyon ang tanging solusyon sa kahirapan na nandiyan ka ngayon.
“So, wag kang susuko. Kung nahihirapan ka, magpahinga ka.
“Pero never choose the option of giving up dahil kung susuko ka, talo ka.”
Sa pakikipagpalitan ng mensahe sa PEP.ph, nagbigay ng update si Melvin tungkol sa kanyang buhay.
“I am connected with Cebu Normal University as college instructor,” ani Melvin.

(Melvin teaches in Cebu Normal University)
Ang itinuturo raw niya ay may kinalaman sa General Education and Professional Education courses.
Dagdag pa ni Melvin, lahat yata ng puwedeng pasukan noon ay pinasok niya.
Ano-ano ang mga ito?
Sagot niya, “Houseboy, dishwasher, waiter, salesclerk sa mall, bodegero, bagger, tagatanim, taga-abono, taga-araro, tagatabas ng tubo… Working student din po ako.”
Ang pinakamasarap daw sa kanyang narating ay ang self-fulfillment na siya ang unang nakatapos sa pamilya.
“Kung meron mang nagbago ay kaya ko nang suportahan ang pamilya ko at mga kapatid sa pang-araw-araw namin.
“'Tsaka nabayaran ko na po ang sampung taong utang ni Mama, at natubos na rin sa wakas ang ATM card sa pension na isinanla ni Mama dahil sa hirap namin noon.”
