Kung dati ay pinoproblema ni Jim Delos Santos na wala siyang customer, ngayon ay halos hindi siya magkandaugaga sa dami.
Madalas nga raw siyang maubusan ng mga sangkap sa kanyang pares business, ang Jim's Pares and Mami, sa Maria Orosa St., Malate, Maynila.
Itinayo ni Jim ang kanyang negosyo noong 1999. Ang puhunan niya ay PHP2,000 at ang puwesto niya sa Cavite ay isang kariton.
Ngayon, kumikita raw ito ng PHP100,000 kada araw o hanggang PHP3 milyon kada buwan.
Ang bawat order ng kanyang famous mami ay nagkakahalaga lang ng PHP70. Unlimited din ang soup, kaya't binabalik-balikan ng kanyang mga suki.
Testimonya ng kanyang mga parokyano: masarap na, hindi pa tinipid sa sangkap.
Pagdating naman sa kanyang pares, simple lang ang ingredients: sibuyas, toyo, mami, laman ng karne, pechay baguio, onion rings, hot sauce, sili, at paminta.
Ang nagbibigay-sarap ay ang matagal na pagpapakulo sa buto-buto at karne.
“Nag-umpisa lang po ako sa kariton.‘Tapos galing ng Cavite, niluwas ko ng Maynila,” lahad ni Jim sa episode ng Pera-Paraan ng GMA News and Public Affairs noong July 2021.

Jim's Pares and Mami is open 24 hours and there's no downtime.
Kalaunan ay bumili si Jim ng sidecar.
“Yung time na yun po, lagi akong nahuhuli.
"Lahat ng bangketa po nililinis, kaya po nagpursige po ako maghanap ng puwesto, na pagtitindahan nang maayos.”
Lumakas daw lalo ang kanyang mamihan kahit sa gitna ng pandemya, kaya higit PHP100,000 daw ang kanyang kinikita daily.
Pero aniya, ginagamit niya ang kanyang kita para tumulong din sa kapwa.
“Doon ko po sini-serve ng lahat ng pinaghirapan ko, kasi alam ko po ang pera pinapadaan lang sa akin ng Diyos para maibigay sa tao ding nangangailangan.”
STARTING FROM THE BOTTOM
Samantala, nailahad din ni Jim ang kanyang kuwento sa episode ng TikimTV noong November 2020.
Dito niya nabanggit na higit pa sa tatlong drum ng sabaw ang nauubos araw-araw sa dagsa ng customers.
“Walang piling oras, e. Wala akong nakikitang mahina, e—mapaumaga, mapatanghali, mapagabi, mapahapon.
“Continuous ang tao. Hindi nawawalan ng tao.”
Bukas ng 24 oras ang pares at mamihan ni Jim at aniya, nakakaubos siya ng tatlong baka sa panahon na iyon.
Pero hindi rin biro ang mga pinagdaanan niyang hirap bago niya narating ang kinalalagyan.
Gamit ang sidecar noon, iniikot ni Jim ang area ng Taft Avenue. Nakakarating siya sa Philippine General Hospital, U.S. Embassy, pati na rin sa Roxas Boulevard.
Paglahad niya, “Magtitinda ka ng madaling araw. ‘Tapos mamamalengke ka, wala kang tulog, wala kang matutulugan sa bangketa.
“Ang ginagawa ko nung time na iyon, hindi pa bawal matulog sa sinehan. Kahit maghapon ka, hindi ka palalabasin."
Kapag naubos daw ang kanyang tinda ng ika-10:00 ng umaga, papasok naman siya sa kakabukas lang na sinehan para doon matulog.
Maraming beses din daw niyang naranasang ma-holdap kapag namamalengke sa Divisoria.

Laking pasalamat niya dahil pinapautang pa rin siya ng mga suki niya para may maitinda.
“Mahirap mag-start dahil maraming pagsubok,” ani Jim.
Aminado siyang maraming beses rin siyang pinanghinaan ng loob.
“Gusto ko nang sumuko, lalo na yung gipit na gipit ako, wala akong matatakbuhan.”
Nang ipagbawal ang pagtitinda sa sidewalk, humanap si Jim ng puwesto sa Maria Orosa sa Malate.
Kalaunan ay natunton ng kanyang mga suki ang kanyang puwesto.
“Natunton pa rin nila ako, binabalik-balikan hanggang sa dumadami sila nang dumadami.
“Nalaman na nila na nandito ako. Ayan, dito na ako ngayon, sa Maria Orosa.”
Kahit mula sa malalayong lugar, dinadayo siya ng kanyang mga parokyano. May mga kilalang tao rin siyang suki, gaya ng mga social-media influencers.
“Dati namumroblema ako na wala ako masyadong customer.
“Pero ngayon, nauubusan na ako ng paninda, nauubusan na ako ng mga karne.
“Iba na ngayon. Umaangat na, lumevel up na,” ngiti niyang sabi.
Dahil 24 hours siyang bukas, 32 ang kanyang mga empleyado: 16 sa umaga at 16 sa gabi.
Masaya rin si Jim na kahit na pandemya ay nakakapagbigay siya ng trabaho sa mga ito.
