Magiging masaya ang Pasko ng mga estudyante sa Grade 5-Cattleya ng Bulihan Elementary School sa Batangas.
Inanunsiyo kasi ni Teacher Jomar Macatangay Legarte na may sponsor ng lechon, pizza, drinks, at gifts para sa kanilang Christmas party.
Sa Biyernes, December 16, 2022, gaganapin ang nasabing party.
Umani ng libu-libong likes at pinusuan ng marami ang video clip ng announcement ni Teacher Jomar.
Marami rin ang napa-sana all!
Ipinost ni Teacher Jomar ang video sa kanyang Facebook page na Maestrong Layas Vlogs noong nakaraang linggo.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang guro nitong Lunes, December 12, 2022.
Kuwento ni Teacher Jomar, isang Education student sa Manila na nakatira sa Rosario, Batangas, ang nag-volunteer mag-sponsor ng party food ng mga bata.
Tinukoy ni Teacher Jomar ang kanyang sponsor bilang si "Sir Alvin."
“Si Sir Alvin ay aking solid fan,” sabi ng guro.
“My advisory students and I are so grateful kasi hindi lahat ay nabibiyayaan.”
ANG MAESTRONG VLOGGER
Bukod sa pagtuturo, unti-unti na ring umiingay ang pangalan ni Teacher Jomar bilang Maestrong Layas.
Nito lamang nakaraang buwan, nag-viral sa Facebook ang kanyang post na “Checking of attendance with a twist,” kung saan kailangang sumagot ang kanyang mga estudyante ng “Sir, ang pogi mo” imbes na “Present.”
Paglilinaw ng guro, ginawa niya ito upang mapasaya at mapanatiling motivated ang kanyang pupils.
“Maraming mga bata ngayon ang may mental health problems, sobrang sensitive ng feelings at emotion.
“With that strategy, nagkakaroon sila ng willingness na pumasok araw-araw.”

Nagsimulang mag-vlog si Teacher Jomar para mas mag-improve ang kanyang social skills.
Aniya, “Pinasok ko ang pagba-vlog because I want to go out of my comfort zone.
“I was then an introvert person, wala akong time makipag-socialize sa ibang tao and gusto ko lang lagi mapag-isa.”
Pero kalaunan ay sinisikap niyang maging regular ang pag-upload ng mga bagong videos sa kanyang social media accounts, tulad ng YouTube, Facebook, Instagram, at TikTok.
May mga “tagahanga” kasi siyang humuhugot ng inspirasyon mula sa mga content niya, kabilang si Sir Alvin na sponsor ng pagkain sa kanilang Christmas party.
“Dahil daw sa aking nakaka-inspired na vlogs at mga content, ay mas nagkaroon daw siya [Sir Alvin] ng confidence sa sarili at tumaas ang self-esteem lalo na sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo.”
ANG MAESTRONG GALING SA HIRAP
Importante para kay Teacher Jomar ang maka-inspire ng kapwa sa pamamagitan ng kanyang pagiging guro at content creator.
Lumaki siya sa hirap, at sa labing-isang magkakapatid ay tanging siya lamang at ang kapatid na bunso ang nakapagpatuloy sa kolehiyo.
Pero maraming pagsubok umano ang kanyang pinagdaanan bago siya tuluyang nakapagtapos.
Kuwento ni Teacher Jomar sa PEP.ph, “Dahil sa dami naming magkakapatid ay hindi lahat ng kagustuhan ay naibibigay ng aking mga magulang.
“Naranasan ko magtinda ng nilabong [nilagang] saging at manguha ng gulay na puwedeng ibenta sa palengke when I was elementary student sa Tubahan Elementary School [Rosario, Batangas] para may mabaon.
“Halos naghihiraman na kami ng tsinelas at pumapasok ng nakaapak lang.
“Then nung high school na ako [sa Mayuro National High School], naglalakad ng almost 2 hours para makarating sa school.
“After ng high school, pinasok ko ang pagiging crew sa karenderya, ang mag-kopra (niyog) at mag-uling."
Mabuti na lang at nabigyan siya ng scholarship para sa kurso niyang Bachelor of Elementary Education sa University of Batangas. Nagtrabaho rin siya bilang student assistant para may pantustos ng kanyang pag-aaral.
“Dun ko naisip na magpursige sa buhay, gusto kong iahon ang aking pamilya sa hirap.”
Matapos magtrabaho sa isang private school sa Batangas bilang Grade 3 teacher simula 2017 hanggang 2019, nalipat si Teacher Jomar sa Bulihan Elelmentary School.
Nakapasa siya sa Licensure Examination for Teachers (LET) noong 2018, at nakatapos ng Master's Degree with Thesis sa Philippine Christian University Manila nito lamang 2022.