Dumalo sa 60th birthday party ni Cristina Decena ang dati nitong asawa na si Ariel Villasanta.
Kalat sa social media ang pagdating ng huli sa handaan, kaya tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Cristina kung inimbita ba niya ito.
Aniya, “Oo, inimbita ko si Ariel dahil isa siyang magaling mag-host at komedyante.
"Natuwa ako dahil dalang-dala pa rin niya ang pagiging magaling na komedyante at nakuha niya ang tipo ng komedya na nakakatawa para sa lahat.”
Ang mga anak ni Cristina na sina Denny, Kristine, Danilo Jr., Tina, at Dana ang nagplano at nag-asikaso ng party na ginanap noong November 30, 2022, sa grand ballroom ng Hilton Hotel Manila sa Newport Blvd. sa Pasay City.

Si Ariel mismo ang nag-host ng program ng party, at di naman nakapagtataka ito dahil ayon kay Cristina, magkaibigan naman sila ng dati niyang mister.
Pagtitiyak nito, “Magkaibigan pa rin kami ni Ariel at mananatili ang matinding respeto namin sa isa’t isa."
Ikinasal ang dalawa noong February 2011 two months after meeting each other.
In November 2011, napabalitang hiwalay na sila.
July 2012 nang kumpirmahin ng businesswoman na separated na sila.
grand 60th birthday party
Samantala, first time naman ni Cristina na makatanggap ng magarbong selebrasyon para sa kanyang kaarawan.

Kuwento niya sa PEP.ph, “Nakakataba ng puso dahil ngayon ko lamang naranasan na paghandaan ng ganitong ka-engrandeng selebrasyon para sa kaarawan ko.
"Kahit paulit-ulit kong ikinukuwento sa mga anak ko na gusto ko lang ng simple at tahimik na selebrasyon, hindi sila natinag at ibinigay sa akin ang party na ito."
Pero ayon kay Cristina, hindi ang kalakihan ng party ang nakakataba ng kanyang puso, kundi ang pagtitipun-tipon ng mga taong mahalaga sa buhay niya.
Pagpapasalamat niya, “Muli kong nakita ang mga kaklase ko nung high school na naging karamay ko noong kabataan ko, ang mga kaibigan kong patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa akin sa hirap at ginhawa, ang mga empleyado kong tinulungan akong palaguhin ang mga negosyong hawak-hawak ko, at ang pamilya kong nasasandalan ko at patuloy akong minamahal.”
Filipiniana ang motif na napili ni Cristina at ng kanyang mga anak para sa birthday party.
Paliwanag ni Cristina, “Pinili namin ng mga anak ko ang Filipiniana na motif dahil sa pagtangkilik ko sa ganda at pagka-elegante nito.
"Sa dami ng bansang napuntahan ko, mas lalo kong nagustuhan ang kakaibang dating ng mga Filipiniana dahil hindi naman lahat ng bansa ay may pambansang kasuotan.”

Nakadalawang palit ng gown si Cristina sa party, at ang mga gown ay galing sa Gallery D/ Signature by Cristina na matatagpuan sa 3D Alphaland Magallanes.
“Sukat na sukat naman sa akin kasi adjustable naman lahat ang collections ko ng mga gowns.”
Ano naman ang birthday wish ni Cristina?
“Ang birthday wish ko ay mas makasama pa nang matagal ang mga mahal ko sa buhay. Sana ay mabigyan pa ako ng lakas para patuloy na makapagbigay ng trabaho at tulong sa mga tao sa paligid ko," hiling niya.

celebrity guests
Maraming mga kaibigang celebrities si Cristina na nakapagdiwang ng kaarawan niya.
Lahad niya, “Naroroon ang aking matatalik na kaibigan sa industriya at mga kumare at kumpadre na si Korina Sanchez-Roxas, Joel Cruz, Mario Dumaual, at Aster Amoyo.

"Naroon din sina Patrick Garcia at asawang si Nikka Martinez (2nd and 3rd from L), Venus Raj (4th from L), at ER Ejercito at asawang Maita Sanchez (R and 2nd from R)."

“Itong mga taong ito ay naging mabuting kaibigan na sumuporta sa akin sa bawat aspeto ng buhay ko. Nariyan sila sa hirap at ginhawa at laking saya sa akin na napagbigyan nila ang imbitasyon na dumalo sa kaarawan ko, naramdaman ko ang importansya ko sa kanila.
“Nandun si Venus Raj, ang aking kaibigan at co-host sa Business Flight travel show, isa sa mga dalagang itinuring ko ng anak at parte ng pamilya ko.
“Ang mag-asawang Patrick at Nikka Garcia na naging mabuting kaibigan ko at ng mga anak ko, nakakatuwa ang kabaitan at kasimplehan nilang mag-asawa."
Naroon din daw si John Consulta kasama ang asawa nito, at nagbalik-tanaw si Cristina tungkol sa araw na nakilala niya si John.
Paglalahad ni Cristina, "Hindi ko makakalimutan ang unang pagkikita at pagkakilala ko kay John. Ito yung araw na na-ambush ako at kinuha ako ng NBI para mabigyan ng proteksiyon.
“Nandoon si John at napaka-professional. Ayokong magpa-interview natatakot ako na baka mag-worry ang mga investors ko.
"Pero hindi pa dumarating ang TV news crew, naririnig ko na sa radio at sa mga news na na-ambush ako kung kaya’t sinabi ko kay John, ‘Okay na John, magpapa-interview na ako!’
“Pero hindi niya talaga tinataas ang camera niya hangga’t hindi ako pumapayag. Nakita ko at napatunayan ang pagiging professional niya at pagiging marespeto sa tao.
“Doon nagsimula ang friendship namin at ngayon silang lahat ay pangalawang magulang na ng anak ko na si Denny Krizl Decena noong ikinasal siya last August."
Matatandaang na-ambush si Cristina at ang kanyang anak na si Danilo noong August 2013. Ang sinasabing mastermind diumano ng ambush ay mga taong nagkaroon ng atraso kay Cristina tungkol sa pera.
Wala namang nasugatan sa mag-ina at sa driver nila, samantalang ang kanilang kasambahay ay nagtamo ng mga sugat sanhi ng mga nabasag na salamin nang pagbabarilin ng mga salarin ang kanilang sinasakyang Starex van.
cristina on turning 60
Kahit na 60 na si Cristina ay wala sa hitsura niya ang pagiging senior citizen.

Kaya tanong ng PEP.ph sa businesswoman at travel show host, ano ang sikreto niya to looking young and healthy?
Tugon niya, “Ang bilis ng panahon at laking pasasalamat ko sa Diyos at umabot ako ng animnapung taon. Naging napakamakulay ng buhay ko, pero hindi ko nalilimutang alagaan ang katawan ko sa pag-eehersisyo at pagkain ng masustansyang pagkain.
“Kahit na mayroon akong napaka-busy na schedule, sinisiguro kong nakakabisita ako sa Bellezza di Cristina para makapag-relax at magpaganda."
Malaking bagay din daw ang quality time niya kasama ang pamilya.
Pagpapatuloy ni Cristina, "Ang pinakasikreto ko siguro ay ang makapiling ang mga apo ko na patuloy na nagbibigay ng saya at tuwa sa diwa ko.
“Tuwing Linggo, meron kaming family day kung saan nakakasama ko lagi ang mga anak at apo ko, nagkukuwentuhan, nagtatawanan, at kumakain na parang magkakaibigan lamang.”
