Isang brand-new car ang ipinagkaloob sa isang topnotcher ng October 2022 Physician Licensure Examination.
Inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta nitong Huwebes, November 10, 2022.
Nakapasa rito ang 3,826 mga bagong doktor mula sa 5,958 na kumuha ng PLE.
Ang isa sa mga pumasa ay si Mark Johnuel M. Duavis ng University of Cebu School of Medicine sa Mandaue City.
Top 10 si Mark Johnuel na nakakuha ng average na 87.08 %.
Nagtapos si Mark Johnuel bilang cum laude noong 2021.
At bilang regalo sa pagiging topnotcher, isang brand-new Toyota Wigo ang ipinagkaloob sa kanya ng kanyang alma mater.
Ang isang Toyota Wigo ay nagkakahalaga ng tinatayang PHP573,000 o higit sa kalahating milyong piso.
Ipinost sa Facebook ng University of Cebu School of Medicine ang larawan ng kotse, kung saan may tarpaulin pang nakalagay ang pangalan ni Mark Johnuel.
“The tradition continues. This Toyota Wigo Car, a gift from our Chairman, Atty. Augusto Go is waiting for our OCTOBER Physician Licensure Examination board placer Dr. Mark Johnuel Duavis,” post ng school ngayong Biyernes, November 11, 2022.
Nakaugalian ng unibersidad na magkaloob ng insentibo sa mga estudyante nitong nagiging topnotchers sa licensure exams.
Paraan daw nila ito para maengganyo ang kanilang mga estudyante na pagbutihan ang pagkuha ng kanilang licensure exams.
NOT GIVING UP ON HIS DREAM
Si Mark Johnuel ay lumaki sa Buenavista, Bohol, ayon sa eksklusibong ulat ng Sunstar.com.ph nitong November 10.
Isang public school teacher ang kanyang ama at public school nurse ang ina.
Bagama’t hirap sila sa buhay, bata pa lamang ay hinihikayat si Mark Johnuel ng kanyang ina na maging doktor dahil sa kanyang talino.
Naka-graduate siya ng Nursing sa college noong 2011, at nakapasa sa nursing board exam at kinapos ng 0.6 percent para maging topnotcher.
Sa sumunod na anim na taon ay nagtrabaho muna bilang nurse si Mark Johnuel sa isang government organization at sa Department of Health (DOH) regional office.
Hindi na umasang makapag-aaral pa ng medisina si Mark Johnuel.
Pero nagbukas ang oportunidad nang mag-offer ng scholarship program ang DOH para sa mga nais mag-doktor.
Higit sa kalahati ng scholarship ang sagot ang DOH kaya nag-apply ng scholarship si Mark Johnuel sa unibersidad para maging full scholar.
Sa simula ay nagdalawang-isip siya dahil matagal siyang nahinto sa pag-aaral.
Aniya sa panayam ng Sunstar, “But, I did not want na masasayangan pagtanda ko na you regret the things that you could have done and wanted the entirety of your life to become.”
Nagtapos siya noong 2021 bilang class valedictorian.

Nang kumuha siya ng board exam, hindi na inasahan ni Mark Johnuel na makakapasa siya dahil aminadong nahirapan siya.
Isang malaking biyaya para sa kanya na naging isa siya sa topnotchers.
At ang next plan ni Mark Johnuel ay ang magsilbing doktor sa isang barrio o government hospital.
“Sabi ko sa sarili ko hindi ako magiging doktor kung wala ‘yung taxpayers money, kung wala ang suporta ng everyone...
“It’s a way of paying back na alam kong hindi ko magagawa without the taxpayers and the government’s help.”
