Nag-viral ang buko juice vendor na si Frenchant Camino, 24, matapos siyang mai-feature ng programang I JUANder ng GMA 7 last February 3, 2023.
Ang programa rin ang nakatuklas sa kanya habang nagtitinda sa Parola, Iloilo City.
Artistahin si Frenchant. Barako ang dating, matikas ang tindig, at maskulado ang kanyang pangangatawan.
Maganda ang hugis ng panga na bumagay sa kanyang pagiging macho, at malusog ang mahabang buhok.
Kayumangging kaligatan ang kanyang skin tone.

Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Frenchant.
Hindi siya nakatapos ng pag-aaral dahil kapos sa budget ang kanyang pamilya.
Bago nagtinda ng buko, nagtrabaho muna si Frenchant sa construction sa tapat ng bahay ng pinsan niya.
Pagbabahagi niya, “Ang daily routine ko [noon] ay mag-pray kay God at mag-exercise.
“That time may nakasalubong akong negosyante, at yun, inalok niya ako ng business.”
Simula noon, araw-araw siyang nagtinda ng frozen goods, buko pie, at buko shake sa ferry terminal ng Parola, kung saan maraming consumers.
Ipinost sa Facebook Page ng I JUANder ang ilang larawan ni Frenchant, at napakomento ang content creator na si Wil Dasovich ng: "Giving me Carrot Man vibes."

Ang tinutukoy ni Wil ay si Jeyrick Sigmaton, ang native Igorot na nagbubuhat ng basket ng carrots na nag-viral noong 2016 dahil sa kanyang good looks.
Naging model at artista si Jeyrick. Nakatanggap din siya ng acting trophy mula International Film Festival Manhattan noong 2021 para sa pagganap niya sa pelikulang Dayas.
Read also: Carrot Man Jeyrick Sigmaton, pursigido sa pagpasok sa showbiz
MODEL FOR A DAY
Last February 6, sa pamamagitan din ng I-JUANder ay na-experience ni Frenchant ang maging model sa loob ng isang araw.
Sa tulong ng isang fashion stylist at isang make-up artist na mula rin sa Iloilo City, binigyan ang buko juice vendor ng makeover.
Naging tila Korean heartthrob ang binata matapos siyang maayusan.
Ayon sa make-up artist na si Maki Gu, "The look that I am doing is, ide-define lang po natin yung mga facial features niya
"A little bit of enhancement lang sa face. And for the hair, just a bit of volume and a bit of messy Korean look."
Para naman sa kanyang outfit, ang naging atake ng fashion stylist na si Ryan Hinayhinay ay, "My look for Frenchant is something preppy—business casual. And a bit expensive looking.
“We will do a dark midnight blue suit and pants."
Na-enjoy ni Frenchant ang ginawang makeover sa kanya.
Aniya, "Maganda ang feeling po na nabihisan at na-makeup-an ng make-up artist.
"Yung self-esteem ko, nag-boost ba. Kasi nakita ko yung sarili ko na guwapo ba pag nabihisan."

Read also: China's "most handsome man" idedemanda ang magsasabing "guwapo lang" siya at walang talent
Itinuturing ni Frenchant ang pagiging online sensation na isang malaking blessing para sa kanya.
"Ang nabago sa akin ng buko juice sa buhay ko ay lumaki ang aking kita at mas marami nang bumibili sa akin.
“Tumaas ang aking kita sa tulong ng tumatayo kong ama sa aming negosyo.
"Kaya ko nang tulungan ang aking pamilya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.”
Aminado naman si Frenchant na gusto niyang maging model o artista at maging sikat.
Pero pasubali niya, “Ang mindset ko lang ay hinayaan ko lang si God kung anong opportunity ang ibibigay Niya sa akin.
“Kaya ginagawa ko ang makakaya ko para mailabas ang mga kakayahan ko.”