Isang matadero ang papel na ginagampanan ni Dion Ignacio sa Kapuso primetime series na Innamorata, kung saan karibal niya si Luis Alandy sa puso ni Max Collins.
Tatlong beses isang linggo raw siya kung mag-taping para sa programa.
“Minsan, depende po sa script, like, ngayong week na ito ang dami kong [eksena] ngayon.”
Sa panayam kamakailan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa aktor, nabanggit ang papuring ibinigay nina Lovely Rivero at Pinky Amador, mga co-actors ni Dion sa Innamorata.
Ayon kina Lovely at Pinky, kapansin-pansin daw ang malaking improvement ng young star sa pag-arte.
Napangiti naman si Dion sa kanyang narinig at sinabing, “Siguro iyong mga experience po sa buhay, 'tsaka maturity, 'tsaka nagiging seryoso ka..."
Aminado naman si Dion sa mga kahinaan niya noon.
"Siyempre noong sa StarStruck, hindi mo pa alam kung ano iyong mga techniques, kung ano’ng gagawin mo sa acting.
“Ngayon, parang, nagkaroon ng workshops, ang dami kong natutunan kay Direk Gina."
Si Direk Gina ay ang aktres at acting coach na si Gina Alajar. Siya ang tumatayong mentor ng karamihan sa mga batang stars ng GMA.
Ayon pa kay Dion, napakalaking tulong ang nagawa ng mga acting workshops para sa kanya.
"Parang, alam mo iyon, parang may isa akong sakit na nalaman ko iyong mga technique, parang nagkaroon ng cure.
“Parang ganoon, e. Dati kasi parang nagdadayalog lang ako, parang walang emotion.
"Parang dahil doon sa mga workshops, iyon, nakikinig ako sa mga acting coach, parang nakahanap ako ng cure para sa sakit ko. Parang ganoon, e.”
Maraming hinahangaang mahuhusay na aktor si Dion, pero paborito niya sa lahat si Jericho Rosales.
Tila nakikita kasi ni Dion ang sarili niya kay Jericho, na tulad niya ay aminadong nanggaling sa hirap, pero nagsumikap na matuto at maging mahusay sa kanyang larangan.
“Gusto ko si Jericho Rosales. Magaling kasi iyon, at saka galing siya sa hirap, tapos ang dami niyang natutunan... ang galing na niyang mag-English.
“Ako gusto kong maging ganoon, e. Sa acting, malalim iyon, talagang tumatagos sa screen, mararamdaman mo.”
Kung sakali namang mabigyan siya ng big break ng GMA upang magbida sa sarili niyang show, sino ang nais niyang maging leading lady?
“Si Bela [Padilla], okay po iyon. Kumportable po kami noon, kaming dalawa ni Bela.”
Nakatrabaho na niya si Bela noon sa teleseryeng Magdalena. Paano naman sa mga hindi pa niya nakakatrabaho, sino ang pipiliin niya?
“Sino kaya? Kung sino na lang ang ibigay sa akin ng GMA,” nakangiting tugon ng humble actor.