Maayos na ang pakiramdam ng young actor na si Mark Herras nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Langit sa Piling Mo, sa King Court 1 Building sa Makati City last week.
Na-diagnose na merong kidney stones at polyps sa gall bladder ni Mark. Sinabihan siya ng kanyang doctor na magpahinga nang husto for the next two months. Kailangan na raw talaga ni Mark na iwasan ang pagpupuyat para muling lumakas ang resistensiya niya. (CLICK HERE to read related story.)
TAKING A BREAK. Kaya sa nalalapit na pagtatapos ng Langit sa Piling Mo ay magpapahinga muna si Mark ng isang buwan para mas maging mabuti ang pakiramdam niya. Pinaiwas na rin si Mark sa paninigarilyo dahil ito raw ang isa sa causes ng kanyang mahinang pangangatawan.
"Gagawin ko naman 'yon para mabilis akong makabawi sa paghina ng resistensya ko," sabi ng young actor. "Kulang daw ako sa tamang tulog. Iba raw kasi yung may eight-hour sleep ka kumpara sa nakakatulog ka sa taping set or sa sasakyan mo. Kulang na kulang daw ako sa pahinga kaya maraming gamot na ibinigay sa akin para maging okey ako.
"Niresetahan nga ako ng sleeping pills kasi hirap akong makatulog talaga. After kasi ng taping, na inaabot kami ng umaga minsan, hindi na ako nakakatulog. Makakaidlip ako, pero saglit lang 'yon, kasi may iba ka pang appointments sa araw na 'yon."
Dagdag niya, "May ibang gamot pa na ibinigay sa akin para sa kidney stones at sa polyps. Hindi naman daw kailangan ng surgery at madadaan pa raw sa gamot. Umiwas na rin daw ako sa salty foods. Okey lang naman kumain [ng ganung food], pero huwag parati. Importante na uminom ako ng maraming tubig. Dehydrated daw kasi ako. Hilig ko lang kasing inumin softdrinks. Masama pala 'yon. Kailangan water talaga para ma-flush out yung toxins sa katawan ko."
Kaya magbabakasyon muna si Mark sa paggawa ng drama series.
"Kaya after nitong Langit sa Piling Mo, pahinga muna ako sa mga drama series. Nagkasunod kasi ang mga series, e. After noong Ikaw Sana, nasundan agad ng Diva, tapos itong Langit sa Piling Mo. Walang chance na makapagbakayson ako. Tapos, may Party Pilipinas at Danz Showdown pa. Kailangan ko raw mag-rest ng kahit isa or dalawang buwan para lang mabawi ko ang mga nawalang pahinga sa katawan ko. Mawala lang ang stress sa katawan ko.
"Pero yung Danz Showdown, tuloy pa rin 'yon. Hindi naman ako masyadong pagod doon, e. Mabilisan naman ang taping namin doon kaya hindi ako sobrang stressed. Sa Party Pilipinas naman, medyo hinay-hinay din ako kasi stressful din yung rehearsals namin. Nagpaalam muna ako sa PP na pahinga muna ako sa mga dance numbers."
YNNA'S FAMILY. Nagpapasalamat si Mark sa pamilya niya at sa family ng kanyang present girlfriend na si Ynna Asistio dahil sa pag-asikaso sa kanya.
"Happy na ako dahil nandoon ang family ko at ang family ni Ynna. Hindi nila ako pinabayaan at hindi sila umalis hanggang hindi nila nalalaman na okey ako. Hanggang sa pag-uwi ko from the hospital, nandoon pa rin sila kaya sobrang grateful ako sa lahat ng 'yon," sabi niya.
Natawa naman si Mark sa tanong na sino ba sa naging ex-girlfriends niya ang nagpadala ng "get well soon" message sa kanya. Kabilang sa naging ex niya, o na-link sa kanya, sina Jennylyn Mercado, Cristine Reyes, Marian Rivera, Ryza Cenon, Katrina Halili, Nicole Anderson, at Pauleen Luna.
"Wala nga, e!" natatawang sabi ni Mark. "Okey lang naman dahil alam kong busy ang lahat, 'tsaka hindi naman major ang sakit ko. Hindi naman ako inoperahan or naging malala ang sakit. Alam naman siguro nila na gagaling ako kaagad kaya walang 'get well soon' greeting mula sa kanila."
