Malaki ang naitulong ng Pilyang Kerubin para tumaas ang kumpiyansa ni Elmo Magalona pagdating sa kanyang kakayahan sa pag-arte.
Nagsilbing launching vehicle kasi ni Elmo ang nasabing primetime series ng GMA-7 na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at Joshua Dionisio. June 7, 2010 nang mag-debut ang show sa ere, at itong darating na August 27 ay mamamaalam na si Charity (Barbie's character) sa mga masugid nitong tagasubaybay.
"May feeling na I'm accomplishing something because of their [fans and viewers] comments na nag-improve ako when it comes to my acting. It shows na nade-develop ako not just as an actor but as a person. I'm learning a lot from the people around me, marami akong natutunan sa kanila," masayang pahayag ni Elmo sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang entertainment reporters nang bisitahin namin ang set ng Pilyang Kerubin kahapon, August 11, sa Manila Zoo.
MAKING HIS OWN NAME. Masuwerte si Elmo dahil bagamat baguhan pa lamang sa showbiz ay nabigyan na agad siya ng GMA-7 ng isa pang proyekto. Kasama ang batang aktor sa cast ng comedy sitcom na Kaya Ng Powers, kung saan kasama niya sina Joey Marquez, Rhian Ramos, Sheena Halili, at Rufa Mae Quinto.
Sa ngayon daw ay hindi muna iniisip ni Elmo kung saan niya gusto mag-concentrate bilang isang aktor. Maganda nga naman siyempre kung masubukan niya ang iba't ibang karakter para mapalawak din ang kanyang range sa pag-arte.
Wala rin naman daw dahilan para maikumpara siya sa kanyang nakatatandang kapatid na si Maxene Magalona. Sa kasalukuyan ay napapanood si Maxene sa afternoon soap ng GMA-7 na Trudis Liit.
Paliwanag ni Elmo, "Kasi, parang mas iba 'yong route niya [Maxene]. Ako, parang iba 'yong forte ko. Kumbaga sa music, iba 'yong genre namin, so hindi puwedeng magtapat. Mas doon siya sa acting part, ako naman mas doon ako sa singing and acting."
At dahil kilala rin si Elmo bilang isang singer-rapper, hindi rin maiwasan na ikumpara siya sa kanyang namayapang ama na si Francis Magalona. Tanggap naman daw ni Elmo na madalas siyang maihambing sa kanyang tatay na itinuturing na isang OPM legend.
Pumanaw si Francis noong March 6, 2009 dahil sa sakit na leukemia. Ilan sa mga iniwan nitong tanyag na awitin ay ang "Mga Kababayan," "Girl Be Mine," "Meron Akong Ano!" "Mga Praning," "Three Stars & A Sun," at "Kaleidoscope World."
"Okay lang din sa akin na magkaroon ako ng sariling identity," sabi ni Elmo nang tanungin kung may balak ba siyang kumawala sa anino ng sikat na magulang.
Dagdag niya, "Pero kahit naman anong gawin ko, ganun pa din ang mangyayari kasi ginagawa ko 'yong rapping. E, pag sinabi mong rapping, sino ba ang maiisip mo? Francis M."
Natanong din si Elmo kung sa palagay ba niya ay papayagan siya ng kanyang ama na pasukin ang show business kung nabubuhay pa ito.
"Hindi ko rin po alam, e," sagot ni Elmo. "Gusto ko rin naman [pumasok sa showbiz] and hindi naman ako pinilit. Nabigyan ako ng offer and in-accept ko lang po."
IN LOVE AND WAR. Hiningi na rin namin ang opinyon ni Elmo kaugnay sa balitang nagtampo raw ang pamilya nila sa Sony Music Philippines dahil hindi sila nasabihan tungkol sa paglabas ng posthumous album ni Francis na may pamagat na In Love and War.
Ang nabanggit na album ay collaboration sa pagitan ni Francis at ng matalik nitong kaibigang si Ely Buendia, dating bokalista ng bandang Eraserheads. Matatandaang ginagawa ng dalawa ang proyekto noong nasa gitna si Francis ng kanyang chemotherapy.
Unfortunately, naiwang hindi tapos ang album dahil sa biglaang pagpanaw ni Francis. Ngunit sa tulong na rin ng modern recording technology at ilang kakilalang musikero ay nairaos ni Ely ang proyekto, na binubuo ng mga awiting magkasama at magkahiwalay na isinulat ng dalawang tanyag na musikero.
Kabilang sa mga tumulong para makumpleto ang proyekto ay ang mga bandang Hardware Syndrome, Hilera, Brigada, The Purplechickens, ang rapper na si Gloc 9, at ang dating bokalista ng Kulay na si Radha.
May this year nang lumabas ang In Love and War sa record bars, ngunit napabalita na nagulat ang asawa ni Francis na si Pia Arroyo-Magalona dahil hindi siya aware na inilabas na pala ng record label ang album.
Gusto raw sana kasi ni Pia ng medyo iba sa nakagawian na promotional at marketing campaign, dahil nga huling album na ito ni Francis at bilang tribute na rin sana sa naging kontribusyon ng asawa sa musikang Pilipino.
Tinanong namin si Elmo tungkol sa kasalukuyang promotional plans nila para sa album. Si Elmo na kasi ang kumakanta para kay Francis sa mga shows at television appearances na naunang inihanda para i-promote ang album.
"Hindi pa 'ko nasasabihan, pero ang mom ko 'yong makakaalam kung magkakaroon kami ng promo. Kung meron man, siguro magtu-tour tapos ipe-perform 'yong mga songs. Siyempre, okay 'yon para sa album, para mas maging well-known siya sa public," tugon ni Elmo.
Aminado naman si Elmo na maging siya ay nasorpresa nung una niyang nalaman na available na pala ang album ng ama at mabibili na ito ng fans na matagal-tagal ding naghintay para mapakinggan nang buo ang proyekto.
Ganunpaman, natutuwa si Elmo dahil mainit pa rin naman ang naging pagtanggap ng record buying public sa produkto na iniwan ng kanyang ama.
"Kahit na late na-announce, lagi naman daw siyang sold out sa mga stores," nakangiting pagmamalaki ni Elmo. "Okay na rin naman siguro kasi ganun pa rin 'yong lumabas—bumebenta naman."