Balitang malapit nang ibakante ng kasalukuyang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Ma. Consoliza P. Laguardia ang kanyang opisina, kahit wala pang opisyal na statement mula sa Malacañang kung sinu-sino ang magiging miyembro ni President Noynoy Aquino sa kanyang Gabinete.
"Depende 'yan sa incoming president, e, kung kailan siya maglalagay ng bago," sabi ni Chairperson Laguardia sa PEP (Philippine Entertainment Portal) matapos ang kanyang live interview sa Paparazzi nitong Linggo, June 20.
"Although ang term namin talaga is yearly appointment 'yan, September 30, 2010 dapat. Pero depende pa rin sa incoming President 'yan kung iiklian niya or whatever."
Anong pakiramdam niya na wala pa namang sinasabi ang Malacañang pero tila may mga gusto nang umalis siya sa puwesto?
"Pag ini-interview ako, kailangang sabihin ko naman yung totoo na coterminus, di ba?" Ang ibig niyang sabihin, dahil appointee siya, matatapos din ang paglilingkod niya pagkatapos ng term ni Pangulong Gloria Arroyo. Lahat ng presidential appointments ay coterminus sa administrasyong naglagay sa kanila sa katungkulan.
WHO WILL REPLACE HER? May nababalitaan na po ba kayo kung sino ang hahalili sa inyong puwesto?
"Sa diyaryo lang nababasa ko yung mga pangalan," ang sagot niya.
Kung kayo po ang papipiliin, sino po ang gusto ninyong pumalit na halos kapareho ninyo ng pananaw at paniniwala?
"Wala pa akong maisip. Ang tao kasi unique 'yan, e. Walang kapareho, parating iba 'yan."
Dalawa sa sinasabing kandidato para sa kanyang katungkulan ay sina Kris Aquino at Joey De Leon.
Would Kris be a good replacement?
"Hehehehe..." mabilis na reaksyon ni Chairperson Laguardia. Matapos ang impit na tawa, saka siya nagbigay ng comment. "Ah, si Ms. Kris naman, nagpahayag naman siya na she's not interested. I don't think na magugustuhan niya. Ano naman din, anybody, anybody can have MTRCB so long as it's with the approval of the incoming President nga."
Mas lumakas ang tawa ni Laguardia nang mabanggit naman ang pangalan ni Joey.
"Dapat vice chair niya si Willie? Hahahahaha, di ba?" pabiro niyang sagot.
Sa palagay ninyo, puwede ngang humalili si Joey?
"Hahahahaha," tawa niya uli. "Depende kay Manay Lolit! Hahahahaha!" mas malakas niyang tawa sa dugtong na biro.
Nababalita rin na posibleng ibalik sa puwesto si Armida Siguion-Reyna na naging pinuno ng MTRCB noong panahon ni ex-President Joseph Estrada.
"Ah, malaki naman ang respeto ko kay Tita Midz. She's one of the elders, mas nakakaalam din siya... kung pupuwede rin naman."
THANKS FOR THE MEMORIES. Ano ang gusto ninyong matandaan sa inyo ng showbiz industry?
"Parang yung chairman na not stern, not stiff, malapit sa showbiz, yun! Ah, yun bang sa term ko together with the board na kahit viewed kami as a censorship body, somehow nag-reach out kami sa TV and movie industries," nakangiti niyang sabi.
Kung may mami-miss po kayong showbiz personality, sino po iyon?
"Sabihin na nating lahat mami-miss ko, lahat ng ginagawa ko from morning to evening. Lahat ng gawain ko. Kasi yung work sa MTRCB from within and outside, talagang very exciting, although, may tension na kasama. Kaya I will surely miss what will be my next day, ganyan. Kasi no day is the same. Parating iba nang iba ang sabihin nating tina-tackle natin sa MTRCB."
Mahirap po ba ang trabaho ninyo bilang lider ng MTRCB lalo't marami ang nagrereklamo at hindi nakakaintinding networks at producers?
"Ang kailangan lang naman kasi, like sa networks, sa mga producers, yung constant dialogue. Kung may reklamo, e, di kausapin mo. I believe na lahat naman ay nadadaan sa magandang pag-uusap," eksplika ng MTRCB Chair.
Sinabi ni Laguardia na ang madalas makatawag-pansin sa board ay si Willie Revillame. Isang beses lang si Joey de Leon. Sa babae naman ay si Rufa Mae Quinto dahil sa mga revealing outfits nito.
Ang advice niya kay Willie ay iwasan ang pagiging mainitin ng ulo. At noong nakausap raw niya si Willie ilang buwan na ang nakaraan, sinabi raw sa kanya na magpaalam na sa mga tao. Hindi na nilinaw ni Laguardia ang ibig sabihin ni Willie pero yun daw ay nasabi lang naman ng controversial TV host.
Hindi ba niya mami-miss sina Willie, Joey at Rufa Mae?
"Ako ang mami-miss nila," mabilis niyang sagot. "I tell you, mami-miss nila ako. Wala nang magsasabi sa kanila ng ano... 'Huwag kang magsasalita ng bastos!' Hahahahaha!"