Parehong gugunitain ngayong Hunyo ang death anniversaries ng dalawang taong naging malapit sa talent manager at TV host na si Lolit Solis: sina Rudy Fernandez at Douglas Quijano.
Kahapon, June 5, binisita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Lolit sa GMA-7 studio, kung saan isinasahimpapawid nang live ang Startalk, at sa panayam ay nabanggit niya ang tungkol kina Daboy (palayaw ni Rudy) at Douglas.
SAD MEMORIES. "Alam mo, ang June is a very sad month for me," bungad ng naging "nanay-nanayan" ng kilalang action star at industry leader, at malapit na kaibigan ng kapwa talent manager at star builder. "June 7 [2008] namatay si Rudy. June 13 [2009] naman, si Douglas..."
May dagdag pang dahilan kung bakit month of sadness para sa kanya ang Hunyo. "June din ang aking scam," aniya, referring to the infamous 1994 Manila Film Festival scandal, kunsaan ang mga alaga ni Lolit ang nagawaran ng acting awards imbes na ang mga tunay na nanalo. Inamin niya sa korte na minanipula niya ang mga resulta at sinentensiyahan siya sa ilalim ng probationary law.
"Siguro destiny talaga... parang inano lahat sa isang buwan..." naisip ni Lolit. "Thursday [June 11, 2009], nagkausap kami ni Douglas. Saturday [June 13], patay na siya. Si Daboy naman, nang pinuntahan ko ang bahay niya ng Friday [June 6, 2008], akala ko masu-survive pa niya. Pero medyo kinakabahan na ako dahil iba na ang hitsura niya. Then the following day [June 7], patay na siya.
"At alam mo ba kung bakit hindi na ako nag-aalaga ng bago?" dugtong ni Lolit, "kasi, before he died, nag-usap kami ni Douglas..."
TITO DOUG'S LAST WORDS. Ganito raw ang mga huling sinabi sa kanya ni Tito Dougs (ang tawag kay Quijano ng mga talents at malalapit na kaibigan):
"Alam mo, it's about time for us [na] mag-semi-retirement. Kasi, kaya tayo nagkakaganito... ang health natin... kasi, masyado tayong involved. Especially you [Lolit], masyado kang confrontational..."
Dahil masyado daw silang involved sa mga talents nila, "you absorb their problems."
Nang mamatay si Douglas, ang maraming talents na mina-manage nito ay napunta sa iba't ibang managers, except kay Lolit.
"Kahit na nga isa, hindi ako nag-manage ng talent ni Douglas, kasi pinag-usapan na namin, e," sabi niya.
"LUKA-LUKA." A year after Douglas died, malinaw pa rin sa alaala niya ang masaya nilang kuwentuhan.
"Yung last talk namin, tawanan kami nang tawanan," Lolit shares. "Alam mo kasi, that time, ang hot na issue yung [kay] Vicki Belo..."
Nag-i-speculate daw sila kung nakunan din ng sex video ang kilalang dermatologist to the stars.
"Sabi ni Douglas, nagbibiro pa kami, 'Naku, ha, dapat ma-video rin natin si Mother Lily, para makagawa ng eksena!'" at natawa uli si Lolit. "Luka-luka talaga 'yang Douglas. Tawanan kami nang tawanan. Thursday afternoon 'yon..."
BABANG-LUKSA. This Monday, June 7, pupunta daw siya sa libingan ni Rudy sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Tungkol kay Douglas naman, sinabi raw sa kanya ni Gelli de Belen nung minsang nagkita sila, "Alam mo, Tita Lolit, tumawag sa akin si Anjo [Yllana]. Nagku-complain siya. Dapat daw lahat ng urn ni Douglas, ilibing na namin. Para may dinadalaw kami, may pinupuntahan kami..."
"Ayaw daw niya [Anjo] yung urn-urn, e," sabi ni Lolit. "Siguro, at that time, ano siya, upset lang, kaya naisip niya. Pero come to think of it, di ba tama? Where will you go on November 1? Saan ka magpapamisa? Kaninong bahay? O tatawagan mo sila, 'Ilagay natin lahat ng urn'?"
Lolit said pupunta siya, kung meron mang mangyaring pagtitipon, para sa babang-luksa ni Douglas.
As for Daboy's second death anniversary, ani Lolit, "Yun ngang kay Rudy, ako pa nagsasabi kay Lorna [Tolentino, Daboy's widow]...
"Alam mo, hindi ko pa inaalis sa phone ko mga 'yan," sabi ni Lolit na tinutukoy ang mga pangalang Daboy at Douglas sa kanyang cell phone directory. "Hindi ko talaga inaalis. E, kasi nga, ako, bobo, hindi ko alam agad kung nasaan yung 'D,' I have to scroll pa, tsu-tsu-tsu..."
"TSISMOSO." Hindi raw nakaramdam si Lolit Solis na "dinalaw" siya ng mga kaluluwa nina Rudy at Douglas.
"Tawa ako nang tawa," aniya. "Nung nagkakagulu-gulo tungkol do'n... kay Hayden [Kho], 'tsaka sa mga ano [sex video scandal], sabi kong gano'n, 'Naku, I'm sure, kung buhay ngayon si Rudy, siya ang unang-unang merong DVD niyan! Tsimoso siya, e!"
On this, agree daw ang biyuda ni Rudy Fernandez.
"Sabi talaga ni Lorna, 'Ay, totoo 'yan, tiyak ko, si Papey ang may unang-unang DVD niyan...!'" sabi ni Lolit.
Naniniwala rin si Lolit na tulad ni Senator Bong Revilla, na isa rin niyang talent, tutulong si Rudy Fernandez sa kaso ng Kapuso star na si Katrina Halili na lihim na nakunan ng sex video ng dating boyfriend na si Hayden Kho.
"Oo, kasi matulungin siya sa artista. Di ba, dati siyang presidente [ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino]?" sabi ni Lolit.
After two years, malaki na raw ang ipinagbago ni Lolit. Wala na raw siyang kaaway.
"Wala na. Ayoko na. Nag-mellow na ako ngayon," seryosong wika niya.