Tuwang-tuwa ang Showbiz Central host na si John "Sweet" Lapus matapos maisakatuparan ang kanyang pangarap na maging isang beauty queen. Siya kasi ang napili ng Malabon Tourism Department para maging Talyada Queen 2010 sa kanilang taunang Talyadahan. Ipinagdiriwang ito ikasabay ng anibersaryo ng cityhood ng Malabon.
Ginanap ang Talyada Queen 2010 noong Sabado, May 29. Si BB Gandanghari ang Talyada Queen ng Malabon last year.
"Nagulat ako when they called me. Sa dami ng baklang artista at sikat ngayon, ako ang napili nila. Seniority yata at ganda ang criteria!" natatawang sabi ni Sweet nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Malaking event ang taunang pagrampa ng mga bakla sa Malabon since ginagawa na ito noong 1970s pa. Ayon kay Sweet, isang malaking opportunity ang maging bahagi ng Talyadahan at ng kasaysayan ng Malabon.
CHILDHOOD DREAM. Bata pa lamang daw si Sweet ay pangarap na niya ang maging isang beauty queen.
"Sinusuot ko ang mga damit at sapatos ng nanay at ate ko pag mag-isa lang ako sa kuwarto. Yung kumot, ginagawa kong gown. Iba't ibang design," kuwento niya.
Naging beauty queen naman na raw siya noong college days niya kapag sumasali siya sa mga beauty contest para sa mga bakla.
"Nakadalawang title naman na ako. Ms. Gay Bago-Bantay at Ms. Gay Ben's Lechong Baka sa San Jose del Monte, Bulacan. Five thou ang cash prize at one-fourth kilo ng lechong baka!" natatawang pagbabalik-tanaw ni Sweet.
Pero para sa kanya, maliliit na contests lang daw ito kumpara sa pagiging Talyada ng Malabon.
"Imagine, si BB Gandanghari ang last year's queen. Kaya full force ang mga bakla para mapaganda lang ako!" sambit niya.
Ang Hair Asia champion na si Warren Santos ng Hairwatch Salon ang nag-ayos kay Sweet noong gabi ng May 29. Inspired ang look ni Sweet sa isang pictorial ng Megastar na si Sharon Cuneta sa isang magazine. Aminado si Sweet na nahirapan si Warren sa pag-aayos sa kanya.
"Ang laki kasi no'ng buhok na ikinabit sa akin at ang laki ng mukha ko kaya ang hirap paliitin!" biro ni Sweet.
Isang tubong-Malabon naman ang nag-design ng kanyang gown. Dahil taon-taon ay dapat isang taga-Malabon ang gagawa ng gown ng Talyada Queen para ma-showcase na rin ang talento ng designers ng kanilang lungsod.
"Si Rey Lazaro ang nag-design pero tinanong niya ako kung ano ang type ko. Sabi ko takpan na niya lahat 'wag lang ang legs ko dahil yun lang ang sexy sa katawan ko," ani Sweet.
"Sky and stars" ang concept ng gown ni Sweet. Ang color of the year na turquoise ang kulay ng gown to represent the sky at ang mga diamond na accesories naman ang stars.
EMOTIONAL SWEET. Aminado si Sweet na naging emosyunal siya nang makita kung gaano kadami ang taong nanood at pumalakpak sa kanyang parada.
"Grabe, ang daming tao at gandang-ganda sila sa akin! Kinilabutan ako!" bulalas ng comedian-TV host.
Ayon sa Malabon Tourism, "almost 200,000" na tao ang nanood ng parada na nagsimula ng 9 p..m ng gabi hanggang 11 p.m. Record high daw ito sa lahat ng mga parada sa kanilang siyudad.
May ibang mga bakla rin daw na sumali sa parada bilang panata nila at nakaugalian taon-taon. Sabi nga ni Sweet, "Napaka-dynamic ng gay community sa Malabon. Solid! Pag nang-okray ka yata ng bakla sa Malabon, malamang mabugbog ka!"
Gaano kahirap maging beauty queen?
"Pucha, mahirap nang bonggang-bongga!" sambit niya. "Two hours akong nakatayo sa float at two hours akong kumakaway, flying kiss at smile. May speech pa ako sa bawat barangay na dadaanan habang nalalanghap ko yung gas ng generator sa tabi ko para magkailaw ang float. Hahaha!
"Sulit naman dahil first time ako masigawan ng 'Sweet, ang ganda mo!' ng mga lalake at inaabutan ako ng bulaklak. Pati mga bata sinisigaw ang pangalan ko. Yung mga nanay inaabot ang mga anak nila sa akin para mahawakan ko. Picture-taking to death. May banners pa at pa-fireworks. Beauty queen talaga! Salamat sa kanila at naisakatuparan ko na din ang isa sa aking mga pangarap."
Ano naman ang mensahe ni Sweet sa mga taga-Malabon?
"Nagpapasalamat ako sa Malabon Tourism Department at ako ang napili nila na maging Talyada Queen. Sa lahat ng mga taga-Malabon na lumabas sa kanilang mga bahay upang masaksihan ang ganda ko, salamat. Sa lahat ng mga sumigaw ng 'Ang ganda mo, Sweet!' lalong salamat. Sa buong Malabon na naniniwala na ang mga bakla ay dapat irespeto, ang mga bakla ay maganda at karapat-dapat iparada sa buong siyudad, mabuhay kayo!"
CONTROVERSIES. Bagamat naging matagumpay ang pagrampa ni Sweet bilang Talyada Queen ng Malabon this year, meron din palang mga kontrobersiya na naganap sa likod nito.
Ano ang masasabi ni Sweet na may ilang grupo raw sa Malabon na gustong si Vice Ganda ang gawing Talyada Queen bilang sikat daw ngayon ang Showtime judge?
"Narinig ko na 'yan," sabi ni Sweet. "'Yan daw yung breakaway group. Okay lang naman, kasi kanya-kanyang opinyon lang naman 'yan. E, wala na silang magagawa, tapos na, e. Umapela na lang sila sa barangay. Ako na yung pinarada."
Dagdag niya, "Huwag naman sana nila kaming pag-awayin ni Vice dahil parang little sister ko na 'yon. Magkaibigan kami at mabait siyang tao. Deserving siya sa lahat ng blessings na tinatamasa niya ngayon. Talented si Vice at matagal naman naghantay ng kanyang time at ngayon na 'yon, diz iz it for Vice, it's showtime!
"At teka naman, lahat ng tinatamasa ni Vice ngayon ay na-experience ko naman na noon. Modesty aside," pahabol ni Sweet.
Ano naman ang reaksiyon ni Sweet na umaga ng May 29 ay may nagpakalat daw ng flyers sa buong Malabon na nagsasabing iboykot ang pagparada niya bilang Talyada Queen?
"Naku, nakakaloka 'yon!" bulalas niya. "Yung isang staff ng Hairwatch Salon ang naabutan. Yung breakaway group daw kasi, e, pinaparatangan yung mga organizers na magnanakaw daw. Say naman ng mga organizers, yung breakaway group daw ang may something when they organized the Talyada last year.
"Naku, ayaw ko na lang makialam pero nakakaloka yung nag-effort pang magpa-print ng flyers. In fairness, hindi naman ako inokray do'n sa flyers, pinapa-boycott lang. E, ang punchline, lalo tuloy dumami ang tao kasi na-curious. Salamat sa flyers. Mabuhay ang Malabon!"
Kasama si Sweet sa cast ng bagong primetime series ng GMA-7 na Pilyang Kerubin.