Stage fright ang naging dahilan ng paghinto ni Rainner Acosta sa pagkanta.
Marami ang nag-akalang magtutuluy-tuloy na ang kanyang music career, bilang multi-medal winner at 2023 WCOPA (World Championships of Performing Arts) grand finalist ang Bulakenyo singer.
Pero sa halip ay iniwan niya ang industriya ng limang taon.
Pag-amin ni Rainner sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Ang struggle ko is nagkaroon ako ng stage fright for a while.
"Five years akong huminto sa industry, sa pagkanta.
“So since 2016, I think iyon na yung… ang huli kong nilabasan nga is yung Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime pero, nung lumabas ako doon siguro mga almost three years o magtu-two years na akong hindi kumakanta sa maraming tao.”
Si Rainner ay naging three-time defending champion ng "Tawag Ng Tanghalan" sa It's Showtime ng ABS-CBN.
Pagpapatuloy pa niya, “Kaya naging challenge sa akin dahil nanginginig ako, yung hininga ko parang hindi siya normal.
“Ang hirap!”
RAINNER ACOSTA CHOSE LOVE OVER CAREER
Inilahad naman ni Rainner ang naging dahilan ng kanyang stage fright niya at paghinto sa pagkanta.
“Na-ano ako sa pag-ibig,” ang pag-amin ni Rainner. “Masyado akong naging bihag ng pag-ibig.”
Noon daw, sa pagitan ng pag-ibig at career, ang pinili niya ay pag-ibig.
Ihinayag niya na ang dati niyang karelasyon ang rason kung bakit tila nawalan siya ng gana na mag-perform sa loob ng limang taon.
"Ang nangyari sa akin kasi is ayaw na niya akong pag-performer-in. Kaya siyempre nawalan ako ng ensayo.
"Kasi pag sa aming mga banda, sa aming mga performer, ang pinaka-ensayo namin is yung araw-araw na tugtog.
“Tapos yung mga praktis.”
Bakit ayaw na siyang pakantahin ng ex niya?
“Nagseselos siguro," pahayag ni Rainner.
Naging challenge sa kanya na wakasan ang kanilang relasyon pero kinaya niya kahit nasaktan siya nang labis.
May natutunan din siya mula dito.
Lahad niya, “Kailangan magtira ka para sa iyo. Noon akala ko pag pinipigilan niya ako, para sa kabutihan ko lang yun.
"I realize na ginawa niya yun para sa sarili lang niya. Hindi kami magbe-benefit doon.
"Hindi masamang magmahal nang sobra pero kailangan mahalin mo rin ang sarili mo.”
rainner acosta on moving on
Nakatulong ang training sa pag-move on ni Rainner mula sa kanyang dating relasyon.
Kuwento niya, “Nag-training ulit ako sa, actually bago ako mag-WCOPA, nag-training ako sa Academy of Performing Arts, iyon din mismo sa WCOPA din, sila din nagko-conduct noon.
"So natulungan nila ako na para mawala iyong… kasi hindi ako makatingin sa mga mata ng tao pag nagpe-perform ako nowadays.”
Humugot din si Rainner mula sa kanyang mga naging karanasan bilang singer at bahagi ng bandang Paragon Child noon.
Dagdag niya, “Since 2002 kasi nahasa na ako sa pagba-banda. So balewala lang sa akin yung pagpe-perform.
"E nagsimula ako six years old na kumakanta sa maraming tao, pero simbahan kasi, ano kasi kami Christian kami sa side ng mother ko.”
Noong 2023 ay naging grand finalist at multi-medal winner si Rainner sa US World Championships of Performing Arts (WCOPA).
RAINNER'S BIGGEST MUSICAL INFLUENCE
Ang lola raw niya ang naka-impluwensiya sa kanya na maging singer.
Saad niya, “Siya kasi pinsang buo niya si Rodel Naval.”
Si Rodel ay male singer na nakilala noong dekada '90 at nagpasikat sa mga kantang “Lumayo Ka Man Sa Akin” at “Muli.”
Wala bang plano si Rainner na i-revive ang alin man sa mga kanta ni Rodel?
Pahayag niya, “Gusto ko sana pero kasi ang focus ko ngayon is yung original songs ko kasi pagka yung original song ko at least gawa ko, e.
“Ngayon kung halimbawang mabibigyan, mahirap kasi yung revive actually iba na ngayon kaysa dati.
"Ngayon kasi hindi ka na puwede basta-basta maglalabas ng cover song, at least… puwera na lang pag sa YouTube ilalagay mo cover song lang siya.
"Pero hindi mo siya puwedeng i-ano talaga, sa Spotify hindi puwede. So hindi advisable yung cover songs sa Spotify, Apple Music, pero sa YouTube okay lang."
rainner acosta on lessons learned from lea salonga
Ang kantang "Muli" ni Rodel Naval ay espesyal para kay Rainner.
“Actually, iyang 'Muli,' iyan ang pinang-blind audition ko sa The Voice Philippines, diyan ko napaharap si coach Lea sa 'Muli.'”
Sumali si Rainner sa Season 1 ng The Voice Philippines sa ilalim ng Team Lea Salonga.
May mga natutunan daw si Rainner mula kay Lea.
Pagbabalik-tanaw niya, “Marami akong natutunan kay Lea, unang-una is yung character, yung kumbaga kung papaano mo mahalin yung trabaho mo.
"At the same time siya yung nagturo sa akin ng mindset na, ‘Pag nagpapraktis ka, lalo na pagka may laban ka o performance ka, ibigay mo yung 200 percent mo.’
“Why? Kasi pagdating sa actual performance niyan, bababa ng 50 percent kung ano yung pinraktis mo.
"Kung bumaba man iyan sa mismong performance mo, kung 200 percent ang binibigay mo 100 percent pa rin iyan.
“Huwag kang magpa-practice ng 100 percent lang na akala mo okay na,” pahayag ni Rainner.
Hindi pinalad si Rainner dahil si Mitoy Yonting ang hinirang na grand winner sa unang season ng The Voice Philippines.
rainner acosta's wife inspired his return to singing
Ngayon ay nagbabalik na sa pagkanta si Rainner.
"Magiging visible na uli ako sa music scene," lahad ni Rainner.
Magkakaroon siya ng mini-concert na pinamagatang Getting Back on Track sa The New Music Box, Timog, Quezon City, sa July 14 at 18, 2024.
Naging regular host noong 2007 si Rainner sa The New Music Box na noon ay Music Box ang pangalan.
Sa love life ay maligaya ngayon si Rainner sa piling ng misis niyang si Dr. Nannette R. Rey-Melgarejo, past president ng Philippine Heart Association (2018-2019) at associate professor sa De La Salle College of Medicine.

Isa ring mang-aawit ang misis niya na naging inspirasyon para muling ituloy ni Rainner ang pag-awit.
Kuwento ni Dra. Nannette, "Iyon kasi yung napansin namin sa kanya, when he started performing again and he was doing rehearsals for WCOPA, napapansin namin ang likot ng mata niya, wala talagang eye contact.
“We were telling him parang, ‘Mahihirapan kang mag-connect sa audience mo pag masyadong malikot yung mata mo.’
“Kasi titingin siyang ganyan tapos ililipat agad.
‘Iyon din ang comment sa kanya ng lahat coaches niya sa WCOPA.
“Then when we were in Anaheim, California, nagkaroon siya ng opportunity to be critiqued by, basta siya yung vocal coach nina Michael Bolton.
‘Iyon din ang comment sa kanya, na he has a very, very powerful voice pero kulang sa connection.
"And he was telling me kinakabahan siya, may stage fright siya. Makikita ko siya kumakanta talagang nangangatal, may tremors talaga!
“But I always tell him kung anuman ka before puwedeng bumalik iyan.
"You just have to continue singing, you have to continue practicing, you have to continue training, further improve your craft.
“So he undergoes training and hosting right now, he undergoes training in diction, grammar, all of these things para mas mag-level up yung kanyang performances.
“And we always tell him na, ‘Just try to connect always with your audience and, as you gain confidence, babalik iyan unti-unti’.
“Kasi nga ano siya e, performer talaga. So I just continue to encourage him, kasi sabi ko nga, I saw it during the WCOPA when he was training during the boot camp, sabi ko ito yung mundo ng asawa ko.
“So I decided that I need to support him and just continue to encourage him.”
"Siya talaga yung nag-encourage sa akin na, ‘Ibalik mo’,” pagtukoy pa ni Rainner sa misis niya.
“Kumakanta na lang ako noon sa mga karaoke app sa cellphone. Dahil iyon nga yung passion ko.
”So doon na lang ako nasanay.”
