Naging emosyonal ang pagtatapos ng grand press conference ng Desperadas 2 kahapon, December 15, na ginanap sa Imperial Palace Suites sa Tomas Morato, Quezon City, matapos magbuhos ng kanyang saloobin si Marian Rivera sa isyu ng diumano'y pagbubuntis niya, courtesy of rumored boyfriend and perennial screen partner Dingdong Dantes.
Dahil sa nangyari ay hindi rin tuloy naiwasan ng iba pang cast members ng nasabing pelikula ang maging emotional, partikular si Ruffa Gutierrez.
"I'm very emotional na tao. Apakan lang 'yong langgam, naiiyak na rin ako. So, especially pag nakikita ko 'yong isang taong umiiyak," bungad ni Ruffa nang dumugin siya ng entertainment press para hingan ng pahayag sa pag-iyak ni Marian.
"I mean, even si Marky Cielo na hindi ko nakilala, na never kong nakasama, umiyak pa rin ako nung nalaman ko ‘yong nangyari sa kanya, 'tsaka nakita ko ‘yong mga words of praise ng mga kaibigan niya. Ganun naman tayo, siyempre nagiging emotional tayo. And what more kasama ko siya [Marian] and naging maganda naman ‘yong pakita niya sa akin. Hindi naman ako kumakampi kahit kanino, basta na-touch lang din ako sa sinabi niya dahil very emotional siya."
NOT TAKING SIDES. Iginiit ni Ruffa na wala siyang kinakampihan sa nasabing usapin. Unang-una raw ay hindi naman kasi siya involved at isa pa ay hindi siya aware na may isyu pala between Marian, Karylle, and Dingdong.
Paliwanag ni Ruffa: "Hindi ako naiipit, kasi hindi naman ako nakikialam sa mga problema na hindi sa akin. So as a friend, I'm here to support Marian. Si Karylle naman, guest sa The Buzz, so lahat naman kaibigan ko. Hindi naman ako pumapanig kahit kanino, especially kung hindi ko naman alam 'yong totoong istorya."
Ikinatuwiran din ni Ruffa na bagamat guest nila sa The Buzz si Karylle noong Linggo, December 14, ay hindi naman daw niya narinig o nakita ang "meaningful smile" ng ex-girlfriend ni Dingdong na siya namang ikina-offend ni Marian. During the interview daw kasi ay nag-uusap sila ni Kris kaya nung sila na ang tinatanong ay ito ang kanyang naging tugon: "Hindi ko masagot kasi hindi ko naman alam yong issue."
Bagama't nasira ang masayang mood ng presscon ay mabuti na rin daw at nabigyan ng pagkakataon si Marian na mailabas ang damdamin nito laban kay Karylle. Pero sana rin daw ay huwag nang lumaki pa ang isyu at kung madadaan naman sa maayos na usapan ay bakit hindi.
"Maliit lang naman ang industriya, e, so sana naman magkaayos sila, mag-usap sila. Pareho naman silang mabait, e," sambit ni Ruffa.
IMPROVING HER CRAFT. Hanggang ngayon ay nasa cloud nine pa rin si Ruffa matapos manalo bilang Best Showbiz-Oriented Talk Show Host sa PMPC Star Awards for Television noong November 30.
Noong tinanggap ni Ruffa ang award ay inamin nito na hindi siya confident noong una siyang alukin ng ABS-CBN para punan ang role na iiwanan ni Kris Aquino matapos itong magdesisyon na pagtuunan ng mahabang oras ang pamilya. Ngayon ay fully adjusted na raw si Ruffa at malaking motivation ang natanggap niyang parangal upang paghusayan pa ang trabaho.
"Gusto ko namang galingan pa ‘yong paghu-host ko, and I'm just being myself. I think that's the most important thing," sabi niya.
Aniya, malaking bagay rin ang pagiging artista sa kanyang ginagawa sa The Buzz dahil sensitive siya sa maaaring maramdaman ng isang kapwa artista pag nakasalang na ito sa hot seat.
"Siyempre, iniisip ko muna ten times bago ako magtanong. Kasi bilang artista, how would it feel ba kung ang tanong na ‘yon matanong din sa ‘kin? Okay lang naman ‘yong tukso-tuksuhan. Kaya nga 'yong mga controversial topics, hindi ko nata-tackle sa The Buzz. Baka naman everytime may ma-interview ako, ako na lang lagi ang maiyak!" natatawang katuwiran ni Ruffa.