Hindi naiwasan ng entertainment press na tanungin ang young actress na si Eda Nolan sa press conference ng Dragonna kahapon, December 8, tungkol sa reaksiyon ng kanyang boyfriend na si Gian Carlos sa pagkamatay ng matalik na kaibigan nito at ka-batch sa StarStruck na si Marky Cielo.
Matatandaan na si Gian ang naging First Prince ni Marky nang manalong Ultimate Male Survivor at Ultimate Sole Survivor ang yumaong aktor sa StarStruck Batch 3.
Ayon sa kwento ni Eda, lubos daw na ikinagulat ng kanyang boyfriend at ama ng kanyang unang anak ang pagpanaw ng kanyang matalik na kaibigan.
"Parang kapatid na niya 'yon, e," pahayag ni Eda. "Iyak lang siya nang iyak nang dumating siya. Until now, parang hindi pa rin siya makapaniwala."
Kuwento pa ni Eda, nang puntahan nila ang mga labi ni Marky sa Antipolo noong Linggo, December 7, ay nasa stretcher pa lamang ito. Hinayaan daw niya si Gian na makita sa huling sandali ang kaibigan.
"Kasi kahapon, ang nasa utak lang talaga niya, parang hindi siya makapaniwala, bakit nangyari kay Marky 'yon.? Noong pumunta kami doon, binigyan ko rin siya ng time na makausap ang mga kaibigan niya doon"
Halos hindi raw matigil sa pag-iyak ni Gian hanggang sa kanilang pag-uwi.
"'Yon, iyak lang siya nang iyak," paglalarawan ng 19-year-old actress. "Hanggang sa umuwi kami, ikinukuwento niya sa akin, parang inaalala lang niya kung ano 'yong mga pinaggagawa nilang dalawa. Kumbaga, 'yon lang ang ano niya..."
Samantala, nabanggit ng ina ni Marky na si Mrs. Mildred Cadaweng na may napag-usapan silang problema ng kanyang anak ilang oras bago natagpuan nakahandusay ang binata sa kanyang kuwarto. (Click here to read related article.) Hindi tuloy naiwasan ng ilang miyembro ng media na tanungin si Eda kung nakakapagkuwento ba si Marky ng mga problema niya kay Gian.
"Hindi ko lang kasi natanong sa kanya, e," sagot ni Eda. "Pero ang alam ko kasi, si Marky nagsasabi ng problema sa kanya, ganun din siya, kasi best friends nga sila, e."
Sa kabila nito, ayon kay Eda, dinadamayan na lamang niya ang kanyang kasintahan sa kanyang pagdadalamhati.
"Binibigyan ko rin kasi ng privacy si Gian, e. Hindi ko rin siya masyadong tinatanong about doon. Kumbaga, si Gian sobrang depressed din siya," pagtatapos ni Eda.
Si Gian ay may sakit na hemophilia.