Hindi naman na-offend si Mickey Ferriols nang tanungin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung bakit hindi pa nila kino-consider ng lover niyang si Archie Alemania ang magpakasal. Two years and seven months na ang anak nilang si Brent, at baka nga masundan na rin ito.
Hindi pa naman daw siya buntis. Pero, tungkol sa marriage, palagay ni Mickey, makapaghihintay pa rin ito.
"Siya na mismo ang nagsabi sa akin, 'Hon, let's get married!' Music to my ears yun. Siyempre, bawat babae, nangangarap na magpakasal. Pero, aaminin ko, noong una, siyempre, hindi pa namin kaya, at hindi pa kami talaga sigurado.
"Matagal-tagal na rin kaming nagsasama, at hindi ko naman siya pine-pressure. Noong una, yeah, I was kind of insecure. Kasi, wala pa ngang kasal. Pero, nakikita ko naman na wala na sa kanya yung stage na parang magloloko pa.
"Before, konting bagay lang, problema na sa amin. Ngayon, dedma na lang. Kasi, maliliit na bagay na lang yun na dapat ay tinatanggap na namin dahil mahal namin ang isa't isa," sabi pa ni Mickey.
WEDDING IN 2010. By 2010, balak na nilang magpakasal ni Archie. Bakit sa 2010 pa?
"Kasi, yung sister ko, nagpakasal last year, civil wedding. They're planning to have their church wedding next year. So, bale parang dalawang taon 'yan na may sukob on my part. So, we decided na sa 2010 na namin gawin ang kasalan," paliwanag ng aktres.
Maganda pa rin si Mickey kung tutuusin, despite some added pounds. Pero, accepted niyang puwede na siyang tumanggap ng mother roles.
"I see nothing wrong with that," sabi pa ni Mickey. "Rito sa Dyosa, I play the role of Anne's mother, as Mariang Sinukuan.
"I must be proud to play Anne's mother dahil maganda siya. Siyempre, kailangang hawig o magkamukha kung mother and daughter ang labas namin, di ba" at natawa na lang si Mickey.
MICKEY WARNS. Positive ang attitude ni Anne dito. Kasi, hindi siya pinababayaan ng ABS-CBN. Talagang pagkatapos ng Kung Fu Kids, heto siya at may bagong fantaserye na namang kinabibilangan.
"Happy naman ako sa buhay ko. Wala kaming problema sa pagsasama namin ni Archie. Wala na yung selos-selos na gaya dati. Dati kasi, maliit na bagay lang, pinapatulan namin. Nakatulong din yung lumalaki na ang anak namin, kaya mas importante yung kapakanan niya kaysa yung magpapatol kami sa tsismis.
"At saka mas secure na nga kami sa isa't isa. Ako kasi, hindi ko sinasabing santo 'yang si Archie. Huwag lang siyang pahuhuli sa akin, kung nagloloko man siya, dahil gulo talaga 'yan. But, for as long as alam kong sa amin siya umuuwi, hindi niya pinababayaan ang obligasyon niya sa amin, walang magiging problema.
"Yun na ang nai-set kong patakaran. Huwag lang talaga siyang papahuli," at natawa si Mickey sa tila pagbabanta pa niya sa posibleng pagloloko ni Archie.