Kung ang pagbabasehan ay ang taas ng ratings ng teleseryeng Sana Maulit Muli, kumpirmadong isa na nga sa pinakasikat na pairing ang tambalang Gerald Anderson at Kim Chiu.
Isang loveteam na nabuo sa loob ng Pinoy Big Brother house, masasabing nakahukay uli ng gold mine ang ABS-CBN sa tambalan ng dalawa.
Halos araw-araw na magkasama sa tapings, guestings, at projects, hindi na pagtatakhan kung mauwi sa totohanan ang samahang Kim-Gerald. Isang relasyon na pinangangambahan ng iba na baka ikasira raw ng tambalan ng dalawa, lalo't usap-usapan na madalas daw nakikitang dumadalaw si Kim sa condo ni Gerald na nag-iisa at walang kasama.
Itinanggi ito ni Gerald, "Minsan pumupunta siya 'pag kasama ang Papa niya, pero never siyang pumunta na nag-iisa lang siya. Lagot naman ako sa Tatay niya 'pag nangyari yun."
Sa kabila ng balitang espesyal na relasyon nila Gerald at Kim, pinagtatakhan ng marami kung bakit hanggang ngayon ay kapwa pa rin idene-deny ng dalawa na wala pa silang matatawag na pormal na relasyon.
"I won't deny na gusto ko siya. There's something special going on, alam niya at alam ko. Araw-araw kaming magkasama, nagkikita. Mas nagiging close kami. Siyempre nade-develop yun, pero huwag muna. Wala pa ring relationship talagang matatawag, sa tamang panahon siguro," seryosong sabi ng young actor.
"Personally, sa akin mahirap din kasi ‘pag nagkaroon na talaga ng relationship. Nakakaapekto sa trabaho at isa rin ‘yung rason kung bakit ayaw namin. Ayaw kasi naming maapektuhan ang trabaho namin ‘pag nag-away kami, hindi na kami makapagtrabaho nang maayos," aniya pa.
May mga isyung lumabas na wala naman daw talagang katotohanan ang relasyong "Kimerald." Patunay nito ay ang pagkakaroon diumano ng non-showbiz boyfriend ni Kim. Si Gerald naman ay nahuling may kahalikan sa kumalat na photos sa Internet at cell phones—ang dating StarStruck hopeful na si Farina Runkle.
"Wala ng boyfriend ngayon si Kim, ex na niya yun from Cebu," sabi ni Gerald patungkol sa lumalabas na balita tungkol sa kanyang ka-loveteam.
"Regarding naman dun sa girl [Farina] na kahalikan ko raw sa cell, hindi ko naging girlfriend yun. I won't deny na nagkagusto ako sa kanya kasi ‘di naman ako makikipag-kiss sa girl kung wala lang, di ba?" pagtatanggol niya sa sarili.
"But that was before pa, sinabi ko na yun kay Kim nasa loob pa lang kami ng bahay. Past is past, di ko ide-deny kasi may picture, di ba?" paliwanag pa niya.
Kaugnay ng mga lumabas na photos sa Internet at cell phones, nabuhay muli ang isyu na may anak na raw sa pagkabinata si Gerald at maaaring lumabas ito anumang oras.
"Kung sasabihin niya na buntis siya at ako ang ama, walang magagawa kundi mag-deny kasi wala naman talaga. Dumaan na ako sa ganyang intriga so okay lang," sabi ni Gerald.